BOAC, Marinduque – Sa ikaapat na sunod na taon, hari’t reyna pa rin ng palakasan ang bayan ng Boac.
Ito ay matapos ang isa na namang kampeonato sa Palarong Panlalawigan 2018 na ginanap nitong Nobyembre 7-10 sa Mogpog, Marinduque.
Base sa inilabas na ‘medal tally’ ng Department of Education-Marinduque, nagkamal ng kabuuang 142 medalya ang delegasyon ng Boac kung saan 67 ang ginto, 48 ang pilak at 27 ang tanso. Ang bilang ay mula sa pinagsamang medalya mula sa elementarya at sekondarya.
“Lubos ang aking kasiyahan sa pagkapanalo muli ng mga atletang Boakeno sa isinagawang Palarong Panlalawigan 2018. Taos-pusong pasasalamat din sa mga coaches at trainers gayundin sa dalawang masisipag na district supervisors. Mabuhay ang atletang Boakeno, mabuhay ang bayan ng Boac”, pahayag ni Mayor Roberto Madla.
Samantala, pumangalawa ang bayan ng Torrijos, ikatlo ang delegasyon ng Santa Cruz, ikaapat ang Gasan, ikalima ang Mogpog at ikaanim ang bayan ng Buenavista.
Ang pagpaparangal sa mga nanalong manlalaro ay pinangunahan ng tournament managers at officiating officials ng Kagawaran ng Edukasyon.
Nagtapos ang patimpalak sa pamamagitan ng ‘friendship parade’ at ‘closing ceremony’ na ginanap sa Mogpog Central School. –Marinduquenews.com