DepEd-Marinduque, MNN lumagda para sa libreng broadcast lessons sa TV

BOAC, Marinduque – Tinanggap ng Marinduque News Network (MNN) ang hamong dulot ng pandemyang COVID-19 sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Department of Education (DepEd)-Marinduque sa pagbibigay ng libreng broadcast lesson sa telebisyon.

Ito ay makaraang lumagda sa isang Memorandum of Agreement ang DepEd-Marinduque at MNN para sa pagsasaayos ng television broadcasting bilang alternatibong paraan ng pagtuturo sa mga mag-aaral upang maiwasan ang face-to-face classes habang umiiral ang pandemya sa bansa.

Ayon kay Dr. Elsie T. Barrios, schools division superintendent ng DepEd-Marinduque, malaki ang magiging kontribusyon ng kasunduang ito sa bagong mode of learning gayundin sa paghahasa ng kaalaman ng mga mag-aaral gamit ang iba’t ibang platporma o midyum sa pagtuturo lalo’t hindi pa rin pinapapayagan sa kasalukuyan ang physical classes.

“Ito pong ating MOA signing ay napakahalaga sa DepEd dahil ninanais po natin na i-angat ang antas ng kaalaman ng mga mag-aaral dito sa ating lalawigan kahit na nasa gitna tayo ng pandemya. Ang gawaing ito ay tugon din sa hangarin ng ating gobernador na ang mga estudyante rito ay maging bihasa sa paggamit ng teknolohiya,” pahayag ni Dr. Barrios.

Nakapaloob sa MOA na ang DepEd-Marinduque ang magbibigay ng content at learning resources na ipalalabas sa Lucky 7 Cable Channel 3 araw-araw maliban kung Sabado at Linggo mula 8:00 a.m. hanggang 12:00 p.m. Ito rin ay sabayang matutunghayan sa social media channel ng Marinduque News upang anumang oras at araw ay maaaring mapanood ng mga mag-aaral sa internet.

Ang Marinduque News Network ay isang online news website, naka-base sa bayan ng Boac na itinatag noong 2016. Ito ang kasalukuyang namamahala sa mga programang ipinalalabas sa Lucky 7 Channel 3 na mayroong ‘cable operation’ sa Boac, Gasan at Mogpog.

Inaasahang sisimulan ang TV learning series sa darating na Nobyembre 2020. Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!