SANTA CRUZ, Marinduque – Kamakailan lamang ay personal na binisita ni Department of Tourism (DOT)-Mimaropa Regional Director Maria Luisa Diploma ang probinsya ng Marinduque para isang ‘familiarization tour’.
Sa unang araw ay nagkortisiya si Diploma sa tanggapan ni Boac Mayor Roberto Madla at Marinduque Governor Carmencita Reyes kung saan ito ay mainit na tinanggap at pinutungan.
Nagkaroon naman ng diyalogo si Diploma kasama ang mga miyembro ng Farm Tourism Association Island of Marinduque sa ikalawang araw ng kanyang pagbisita.
Tampok sa mga pinuntahan ng direktor ang magagandang pook-pasyalan sa probinsya kagaya ng Laylay Port at Marl Insects and Butterfly Garden sa bayan ng Boac gayundin ang ilang sakahan gaya ng Tiyo Ninoys Integrated Farm, DMDC Farms at AGREA Estate Farm.
Samantala, nadismaya naman si Diploma ng bumisita ito sa isla ng Maniwaya sa bayan ng Santa Cruz sapagkat napansin nito na walang maayos na Solid Waste Management System at hindi sumusunod ang ilang establisyemento sa mga batas na itinatakda para pangalagaan ang kalikasan.
“Ang area ay too congested, side by side rin ang mga resort and when I asked them sabi nila, naghuhukay sila ng lupa at doon tinatapon ang biodegradable materials, however based on my observation, it’s exposed, contrary to what they are saying. Tapos may isang area, iyong segration facilities, nakabalagbag, walang nagko-control ng garbage disposal, walang waste namagenemt”, pahayag ni Diploma.
Makikipag-ugnayan umano ang direktor sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang ipaalam sa ahensya ang kanyang naging findings sa lugar. –Marinduquenews.com