BOAC, Marinduque — Naglaan ng higit ₱2 bilyon na pondo ang Department of Health (DOH) para sa pagpapabuti sa sistemang pangkalusugan ng dalawang probinsya sa rehiyon ng Mimaropa.
Sa Kapihan sa Bagong Pilipinas ng Presidential Communications Office sa pamamagitan ng Philippine Information Agency noong Hulyo 2, ipinahayag ni DOH-Mimaropa Center for Health Development (CHD) Regional Director Mario S. Baquilod na mapalad ang lalawigan ng Marinduque at Romblon dahil napabilang ang mga ito sa 25 probinsya sa bansa na mabibigyan ng pondo para sa Health System Resiliency Project (HSRP) ng ahensya sa tulong ng World Bank.
Ayon pa kay Baquilod, nasa ₱1.2 bilyon ang pondong nakalaan para sa Marinduque na mapakikinabangan ng 242,451 na mga benepisyaryo habang ₱850 milyon naman ang nakalaan sa lalawigan ng Romblon na mabibenepisyuhan ang 102,792 na mga residente.
Layon ng Health System Resiliency Project na palakasin ang sistemang pangkalusugan ng local government units (LGUs) at maihanda ang mga ito sa wastong pag-iwas at pagtugon sa panahon ng pandemya o ibang banta sa kalusugan ng mga mamamayan.
Paliwanag ni Anna Birtha I. Datinguinoo, division chief ng Universal Healthcare-Health Systems, Policy and Strategy Division ng DOH-Mimaropa CHD, na sa pamamagitan ng HSRP ay maisasaayos ang pagtugon ng mga healthcare provider sa mga pangunahing pangangalagang pangkalusugan ng mga mamamayan katulad ng maternal mortality, infant o under-five mortality rates kabilang na ang pagbabakuna.
“Nilalayon din po ng programang ito na mapalakas natin ang pagtugon sa mga disease outbreak, pandemic preparedness, detection at response gayundin magkaroon tayo ng health systems network, digitally enabled health service delivery, telemedicine at capacity improvement ng ating mga health workers,” ayon kay Datinguinoo.
Inaasahan na magsisimula ang proyekto sa second o third quarter ng 2025 sapagkat sa kasalukuyan ay inaayos pa ang ilang mga mahahalagang dokumento kagaya ng parameters of performance at iba pang mga tuntunin at kondisyon ng World Bank at Department of Finance. — Marinduquenews.com