BOAC, Marinduque – Sa panayam ng Philippine Information Agency-Marinduque kay Marjun Moreno ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Marinduque sa isinagawang Kapihan sa PIA ay naibahagi niya na magkakaroon ng job fair ang kanilang ahensya sa darating na Hunyo 20 sa gymnasium ng Marinduque State College sa ganap na ika-8:00 ng umaga hanggang ika-5:00 ng hapon.
Motorcycle at grocery sales agents ay ilan lamang sa mga pwedeng aplayan ng mga aplikante na nais pumunta sa job fair. Kasalukuyan ay nakikipag-ugnayan pa rin ang DOLE sa iba pang employers sa loob at labas ng probinsya upang mas maraming trabaho ang pwedeng pagpilian. Nakikipag-usap na rin sila sa iba pang ahensya ng pamahalaan para malaman nila kung ano pa ang mga bakanteng posisyon na maaaring aplyan ng mga nagnanais naman na pumasok sa gobyerno
Narito ang mga bagay na dapat dalhin ng mga aplikante sa araw ng job fair: resume (mas mabuti kung mas marami), diploma, transcript of record, certificate of employment (kung nagkaroon na ng karanasan sa pagtatrabaho), 2×2 ID picture at authenticated birth certificate. Paalala din nila sa mga aplikate na ilagay lang sa resume ang mga mahahalagang impormasyon at gawin hanggang dalawang pahina lamang ito. Payo rin nila na magsuot ng semi-formal na damit at paghandaan ang interbyu upang makasagot sila ng wasto at maayos.