GASAN, Marinduque – Namahagi ng mga gamit pampaaralan ang Department of Labor and Employment (DOLE) – Marinduque sa mga estudyante na nakatira sa barangay Dili, Gasan kasabay ng kanilang pagsasagawa ng diyalogo tungkol sa World Day Against Child Labour.
Dumalo rito hindi lamang ng mga bata kundi kasama rin ang kanilang mga magulang upang mapakinggan at malaman kung ano ang mga karapatan ng isang bata na dapat nilang matamasa. Ayon sa DOLE-Marinduque, mayroong sampung karapatan ang isang bata upang makapamuhay ng payak at mapayapa: 1) maisilang at magkaroon ng pangalan at nasyonalidad; 2) magkaroon ng tahanan at pamilyang mag-aaruga; 3) manirahan sa payapa at tahimik na lugar; 4) magkaroon ng sapat na pagkain, malusog at aktibong katawan; 5) mabigyan ng sapat na edukasyon; 6) mapaunlad ang kanilang kakayahan; 7) mabigyan ng pagkakataon na makapaglaro at makapaglibang; 8) mabigyan ng proteksyon laban sa pang-aabuso, panganib at karahasan; 9) maipagtanggol at matulungan ng pamahalaan, at; 10) makapagpahayag ng sariling pananaw.
Bukod pa rito ay tinalakay rin ni Marjun S. Moreno, senior employment and labor officer, ang kaibahan ng child labour sa child work.
Matapos nito ay nagkaroon ng maiksing palaro ang DOLE-Marinduque tungkol sa paksang tinalakay at namigay ng papremyo sa mga nanalo.
Nangako naman ang mga katuwang na ahensya ng DOLE gaya ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Gasan at Philippine Information Agency (PIA)-Marinduque kung ano ang kanilang maitutulong para sa isang batang malaya sa kanyang mga karapatan.