SANTA CRUZ, Marinduque — Naglaan ang Department of Transportation (DOTr) ng inisyal na pondo na nagkakahalaga ng P390 milyon na gagamitin sa konstruksyon ng Balogo Port na matatagpuan sa Barangay Balogo, Santa Cruz, Marinduque.
Ito ang ipinahayag ni Vice Gov. Adeline Angeles makaraang magsagawa ng ocular visit ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan sa naturang pantalan na bahagi ng itatayong Marinduque Special Economic Zone o MAREZ.
“Kasama po ang mga bokal at technical personnel mula sa provincial government sa pangunguna ng ating provincial legal officer, Atty. Rommel Fernandez, tayo po ay bumisita sa lugar na dating ginamit ng Marcopper Mining Corporation sa kanilang operasyon,” wika ng bise gobernador.
Layunin din aniya ng pagbisita na mabatid ang kasalukuyang kalagayan ng Balogo Port para maiwasan ang anumang aberya at kung may mga ordinansa o resolusyon pang kailangang pag-usapan sa sanggunian.
“Ang konstruksyon po ng Balogo Port ay bilang paghahanda sa nakatakdang pagtatayo ng economic zone dito sa bayan ng Santa Cruz na inaasahan nating makatutugon sa kakulangan ng trabaho gayundin ang pagpapalakas ng ekonomiya ng probinsya,” dagdag ni Angeles.
Ang nasabing lugar kung saan itinatayo ang Balogo Port ay kabilang sa timberland na may kabuuang lawak na 28 ektarya at nasa pamamahala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ngayon ay bahagi ng isinusulong ni Cong. Lord Allan Jay Velasco sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na House Bill No. 33 or An Act Establishing the Marinduque Special Economic Zone in the Municipality of Santa Cruz. — Marinduquenews.com