DPWH, tinugunan ang kakulangan ng classroom sa Matuyatuya Elementary School

TORRIJOS, Marinduque — Natapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang konstruksyon ng one-storey building sa Matuyatuya Elementary School sa bayan ng Torrijos, Marinduque.

Ayon kay District Engineer Richard Emmanuel P. Ragragio, ang nasabing gusali ay binubuo ng dalawang classroom na mayroong modernong pasilidad para sa mas magandang bentilasyon at mahusay na disenyo ng floor area na may sukat na 171 square meter.

“Hangad ng ahensya na makapagbigay ng higit na kaginhawahan, makahikayat ng aktibong pakikilahok sa mga aktibidad sa klase at makapagtaguyod ng parehong tagumpay sa akademiko at pangkalahatang kagalingan ng mga mag-aaral,” wika ni Ragragio.

Dagdag pa ng district engineer, ang gusaling pampaaralan ay bahagi ng convergence program sa pagitan ng DPWH at ng Department of Education (DepEd) na naglalayong makagawa ng mga kaaya-ayang pasilidad at de-kalidad na silid-aralan para masiguro ang isang conducive learning environment para sa lahat.

Pinondohan ng DPWH ang naturang school building ng halagang P5,481,547.50 na lubos na pinasalamatan ng mga guro, mag-aaral at magulang ng paaralang elementarya ng Matuyatuya. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!