SANTA CRUZ, Marinduque — Nagbigay ng mga bagong makinarya ang Department of Trade and Industry (DTI) para sa itatayong Cacao Processing at Chocolate Factory ng Sagana Marinduque Agriculture Cooperative sa Sitio Ambulong, Barangay Masalukot, Santa Cruz.
Ayon kay DTI-Marinduque OIC-Provincial Director Roniel Macatol, walong uri ng mga intervention machine at processing equipment ang iginawad sa nasabing kooperatiba sa ilalim ng Shared Service Facility (SSF) program ng kanilang ahensya.
“Malaki ang maitutulong ng mga makinaryang ito sa mga nagtatanim ng cacao lalo na kapag nag-operate na ang Cacao Chocolate Factory sapagkat dito ipo-proseso ang mga raw material sa paggawa ng tableya at iba pang chocolate product”, pahayag ni Macatol.
Kabilang sa mga kagamitan at makinaryang ipinagkaloob ng DTI sa Sagana Marinduque ay ang Roasting Machine, Cracking and Winnowing Machine, Grinder, Melanger, Automatic Tempering Machine at Butter Press Machine na may kabuuang halaga na P4.2 milyon.
Lubos naman ang pasasalamat sa DTI ng mga bumubuo sa Sagana Marinduque Agriculture Cooperative sa pagkakaloob sa kanila ng naturang mga kagamitan.
“This is truly a blessing to us and will contribute a lot for the fullfilment of our dreams as farmers [ Ito po ay tunay na pagpapala sa amin dahil malaki ang maiimbag nito para sa ganap na katuparan ng pangarap naming mga magsasaka],” ani Lenlie Lecaroz, pangulo ng kooperatiba.
Nakatakda ring tumulong ang ahensya sa pagbebenta o marketing ng mga produktong gagawin ng samahan sa pamamagitan ng pagdaraos ng trade fairs, selling mission at iba pang mga aktibidad ng DTI. — Marinduquenews.com