BUENAVISTA, Marinduque — Patuloy ang isinasagawang pamamahagi ng Department of Trade and Industry (DTI)-Marinduque ng livelihood starter kits sa mga apektadong micro, small, and medium enterprises (MSME’s) sa lalawigan.
Kamakailan ay nagtungo ang mga kinatawan ng DTI-Marinduque sa pangunguna ni OIC-Provincial Director Roniel Macatol sa Barangay Bagacay, Buenavista upang personal na i-abot sa mga benepisyaryo ang tulong pangkabuhayan mula sa kagawaran.
“Pangunahing misyon po ng DTI na tulungan ang ating mga negosyante at alalayan ang ating mga consumers upang makuha nila ang tamang halaga ng perang kanilang pinaghihirapan sa pamimili ng mga produkto at pagkuha ng mga serbisyo mula sa merkado”, pahayag ni Macatol.
Sa pamamagitan ng Livelihood Seeding Program-Negosyo Serbisyo sa Barangay (LSP-NSB), ang bawat benepisyaryo ay makatatanggap ng starter kits na nagkakahalaga ng P5,000 samantalang aabot sa P10,000 ang maaaring makuha sa ilalim ng programang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PPG).
Ang LSP-NSB at PPG ay dalawang pangunahing programang hatid ng ahensya bilang agarang responde sa mga apektadong maliliit na negosyante habang ang bansa ay humaharap sa pandemya at iba’t ibang kalamidad.
Sa kasalukuyan ay nakapamahagi na ang DTI-Marinduque ng livelihood starter kits sa mga ‘priority barangay’ kagaya ng Bayakbakin at Pakaskasan sa Torrijos, Barangay Pangi sa Gasan, Barangay Hupi, Santa Cruz, Barangay Bocboc, Mogpog at mga barangay ng Boi, Tugos at Lupac sa Boac.
“Maraming maraming salamat po sa inyo! Iyong iniisip lamang namin at ipinagdarasal dati na oven, ngayon hawak na namin, may bonus pang mga gamit”, ani Helen Layron, benepisyaryo ng LSP-NSB mula sa Barangay Tugos.
Inaasahang aabot sa 318 MSME’s ang mabibiyayaan ng mga nasabing tulong pangkabuhayan sa buong probinsya. – Marinduquenews.com