BOAC, Marinduque – Pinalawig ang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Marinduque hanggang Mayo 15.
Ito ay sa kabila ng nauna nang deklarasyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque kamakailan na kabilang ang Marinduque sa mga probinsya na isasailalim sa General Community Quarantine (GCQ) simula Mayo 1.
Ayon kay Gob. Presbitero Velasco, Jr., naging basehan ang masusing pag-aaral at konsultasyon mula sa anim na alkalde para palawiging muli ang enhanced community quarantine sa probinsya.
“Napag-usapan po sa aming isinagawang pagpupulong kasama ang anim na ‘municipal mayor’ na i-extend pa ang ECQ sa ating lalawigan hanggang Mayo 15. Ito ay dahil sa hindi pa naisasailalim sa rapid anti body test ang humigit 9,000 PUM,” pahayag ni Velasco.
Dagdag pa ng gobernador, “Gusto po nating masiguro na wala ng infected sa coronavirus disease dito sa ating lalawigan. Hinihiling po namin ang inyong pang-unawa habang inaayos natin ang mga hakbang at plano ng sa gayon ay mayroon tayong ‘assurance’. Lahat po ng ito ay ginagawa natin para sa kabutihan ng ating mga kababayan.”
Sinabi pa ni Velasco na nakatakdang bumili ng 10,000 rapid anti body test kit ang pamahalaang panlalawigan na siyang gagamitin upang masuri ang may 9,000 naitalang persons under monitoring sa buong Marinduque.
Samantala, inapruhan na ng Mimaropa Regional Inter-Agency Task Force on the Continued Infectious Desease Task Force on COVID-19 ang kahilingan ng pamahalaang panlalawigan sa pagpapalawig ng ECQ sa probinsya. (RAMJR/PIA-Mimaropa)