Hindi lang tuwing eleksyon makikita ang kapangyarihan
Ng trapal na maputi na sing-tingkad baya ng araw
Mukha ni politiko na bubulaga sa iyong harapan
Kahit ang nakalagay “maligayang pagdating sa aming mahal na lalawigan”
Sa lakas ng kapangyarihan nitong munting trapal
Ultimong lalawigan ay nagiging si kamahalan
Paano’y ang mukha niya ang halos sumakop sa espayong laan
Ano ba talaga ang pakay, ipakilala ang bayan o ang kanyang sarili lamang
Talagang mabisa ang trapal kahit maliit at bulinggit
Sa bawat proyekto ng bayan, mukha ni politiko ay nakasingit
Kinagigiliwan ng iba, ngunit kaiinisan din namang malimit
EPALITIKO nga kung tawagin basta may mukhang nakadikit
Kung buhay lang si aling Miriam, lagot kayong mga epal
Lalagabog kayo marahil sa kanyang Anti-Epal Act of 2016
Akda na ngayo’y binubuhay ni manong Robert Ace Barbers
Upang kayong mga EPALITIKO ay gupitin at papanagutin
Mga mukhang nakalimbag sa trapal ay mukha ng korapsyon
Sa mga proyekto ng bayan animo’y inaakong “akin, ako ang nagpagawa nun”
Samantalang ang perang ginastos ay galing naman sa buwis iyon
Ng mga mamamayang nangangarap na bayan nila’y umangat at umahon
Oops, bato bato sa langit ang tamaan ay sapul
Huwag masyadong halata, baka malunod sa ambisyon
Unahin daw ang bayan hindi ang sariling misyon
Maglingkod ng tapat, mukha sa trapal ay huwag ibakat
Trapal, ang kapal. – Botante/Marinduquenews.com