BOAC, Marinduque – Sama-samang nakisaya ang mga grupo ng kabataan sa isinagawang “Sayawitan at Konsyerto ng Kabataan para sa Inang Kalikasan” sa Marinduque State College (MSC), Boac.
Isa sa mga naging tampok sa kaganapang ito ay ang battle of the bands na sinalihan ng limang grupo ng mga mag-aaral ng MSC. Bukod pa rito ay dinaluhan din ng mga tagapanuod ang pagtatanghal ng Siakol Band.
Layunin ng kompetisyong ito na hikayatin ang mga kabataan na gumawa ng sariling kanta na may kinalaman tungkol sa pagsagip sa inang kalikasan. Matatandaan na ang buwan ng Nobyembre ay tinatawag na Environment Awareness Month.
Maliban sa battle of the bands ay mayroon pang ibang inihandang kompetisyon gaya ng spoken word poetry, song writing composition, hiphop dance challenge at Marindukanon Culture Presentation na may kinalaman pa rin sa nasabing tema.
Ang pagtatanghal at kompetisyon na ito ay binuo sa pakikipagkaisa ng Office of Student Affairs and Services, Sentro ng Wika at Kultura, Junior Philippines Society of Public Administration, Smart Communications Inc., Alpha Phi Omega, Mandin Alumni Association, Rotaract Club of Lucena South, Rotaract Club of Marinduque State College, Rotary Club of Lucena South, Rotary Club of Marinduque North, Marinduque News Network at IFly Travel and Tours. –Marinduquenews.com