Gov. Velasco hinimok ang mga magniniyog na magparehistro sa PCA

BOAC, Marinduque — Hinikayat ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. ang mga local coconut farmer sa Marinduque na magparehistro sa talaang pinangungunahan ng Philippine Coconut Authority (PCA) na National Coconut Farmers Registry System (NCFRS).

“Sinasabi ko po sa ating mga kababayan na magparehistro na bilang coconut farmer. Kung hindi po kayo rehistrado ay hindi ninyo makukuha ang mga benepisyong ibibigay ng PCA sa pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan,” ani Velasco.

Inilatag din ng gobernador ang mga benepisyong naghihintay sa mga magsasaka ng niyog na magpapatala sa nasabing listahan. Ilan dito ay ang scholarship program, medical assistance, crop insurance at kagamitang makatutulong sa pagpapalaki nang pananim tulad ng 4 na sakong fertilizer na asin, at 7 sako ng ammonium sulfate at potassium chloride kada ektarya.

Ang pagpapatala sa NCFRS ay mandato sa ilalim ng Republic Act No. 11524 o Coconut Farmers and Industry Trust Fund kung saan nakasaad na tanging ang mga rehistradong magniniyog ang magiging benepisyaryo ng mga programang pangkaunlaran na popondohan at ipatutupad alinsunod sa Coconut Farmers and Industry Development Plan.

Samantala, sa isang ulat ni PCA Administrator Benjamin R. Madrigal, Jr. lumalabas na hindi bababa sa 51 porsiyento lamang ng kabuuang 2.5 milyong magsasaka ang opisyal na nakapagpatala sa umiiral na bagong registry system. Kaya naman iminungkahi ni Sen. Risa Hontiveros na iurong ang nakatakdang deadline ng talaan hanggang sa Setyembre 9, 2021.

Sa mga nais magpatala sa NCFRS, magtungo lamang sa opisina ng PCA Marinduque sa Tanza, Boac. Maaari ring magparehistro online gamit ang link na http://cfitf.pca-webapps.com/. — Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!