Groundbreaking ng COVID-19 Molecular Laboratory sa Marinduque, isinagawa

BOAC, Marinduque — Pormal nang isinagawa ang groundbreaking ceremony ng itatayong COVID-19 Molecular Laboratory na ginanap sa pasilidad ng Marinduque Provincial Hospital sa bayan ng Boac nitong Lunes, Pebrero 22.

Ang gawain ay pinangunahan ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. kasama si Dr. Rachel Rowena Garcia, provincial officer ng Department of Health-Marinduque.

Dumalo rin sa nasabing okasyon sina Sangguniang Panlalawigan Board Members Adeline Angeles at Ishmael Lim gayundin ang mga department at section head para saksihan ang seremonya.

Ayon kay Gov. Velasco kapag natapos na ang COVID-19 Molecular Laboratory ay mapadadali at mapabibilis na ang proseso ng mga eksaminasyon o test para sa coronavirus disease 2019.

Aniya, hindi na kailangang ipadala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa City ang mga specimen ng isang indibidwal dahil sa naturang pasilidad na ito gagawin.

“Malaking tulong po itong ating itatayong Molecular Laboratory sa ating lalawigan dahil mabilis na po nating malalaman kung positibo o negatibo ang isang tao sa COVID-19,” ani Velasco.

Ang COVID-19 Molecular Laboratory ay ipinagkaloob ng Ayala Foundation na nagkakahalaga ng 6.9 milyon sa pakikipagtulungan ng Department of Health na nagbigay naman ng GeneXpert Machine na siyang gagamitin sa RT-PCR para sa COVID-19 Testing. — Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!