BOAC, Marinduque – Tatalakayin sa Investigative Documentaries ng beteranong journalist na si Malou Mangahas ang gumuhong tulay sa barangay Bayuti, bayan ng Boac.
Ginawa ang tulay na ito noong Marso 2017 para magamit ng mga tao sa tuwing lumilikas kapag malakas ang ulan. Ang problema, gumuho ang tulay limang araw matapos itong buhusan ng semento.
67 metro ang haba nito at pinondohan ng P2 milyon. Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Marinduque District Engineering Office ang nagpatupad ng proyekto.
Ano kaya ang nangyari at bumigay ang tulay?
Samantala, sisiyasatin din sa nasabing programa ang hindi matapos-tapos na irrigation system sa nabanggit na bayan.
Nagkakahalaga ng P12.17 milyon ang Mansabang Communal Irrigation System ng National Irrigation Administration sa Boac River, Marinduque.
Marso 2017 nang simulan ang proyekto. Dapat sana ay tapos na ito noong Setyembre 2017 pero hanggang ngayon, hindi pa rin ito nakukumpleto.
Alamin ang dahilan ng mga palpak na proyektong ito ng gobyerno.
Huwag kaligtaang tumutok sa Investigative Documentaries ngayong Huwebes, Hunyo 14, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11. –Marinduquenews.com