Katha ni Wilson Nabos Malapad ng Mogpog, Marinduque
Isang pagpupugay sa mga haligi ng tahanan
Ang aking pagbati kayo sana’y datnan
Mula sa aking puso, hinabi ng isipan
Isang simpleng tula sa inyo po ay alay.
Mula pagkabata hanggang magkaisip
Saksi ako sa itay sa kanyang pagpupunyagi
Ang magandang bukas nais n’yang makamit
Maayos na pamilya kanyang minimithi.
‘Di inaalintana ang lamig at ulan
Binabalewala ang sikat ng araw
Trabaho sa bukid na ‘di pangkaraniwan
‘Di pwede ang tamad, ‘di pwedeng matamlay.
Binuhos ang lahat, kanyang kakayahan
Dugo at pawis kanyang pinuhunan
Kanyang sakripisyo ‘di matatawaran
‘Di kayang bayaran, salaping kumikinang.
Ang kanyang adhikain ngayon ko nabatid
Laging nakatatak sa aking pag-iisip
Lumain man ng panahon, ‘di mawawaglit
Kanyang dedikasyon, ‘di masukat ‘di malirip.