MOGPOG, Marinduque — Istriktong ipinatutupad ng pamahalaang bayan ng Mogpog ang lahat ng panuntunan at health protocols na inilabas ng Inter-Agency Task Force (IATF) simula ng pumutok ang pandemya sa bansa bunsod ng COVID-19.
Ayon sa panayam ni Assistant Secretary Jusan Vincent “JV” Arcena kay Mayor Augusto Leo Livelo sa programang Laging Handa Network Briefing, sinabi ng alkalde na mahigpit ang ginagawa nilang implementasyon sa mga polisiya tungkol sa pagsusuot ng face mask at face shield sa mga pampublikong lugar at palagiang pagpapairal ng physical distancing para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019.
“Stick to the rule po talaga ang implementasyon namin dito sa Mogpog. Kung ano po ang nakasaad sa rules at guidelines ng IATF ay iyon po ang ating ini-implement strictly,” pahayag ni Livelo.
Aniya, sa pamamagitan ng text brigade patuloy ang koordinasyon ng alkalde sa mga punong barangay para masiguro na naibaba sa kanila ang mga batas o alintuntunin ng national task force (NTF) at ng local government unit (LGU).
Sinabi rin ng alkalde na mahigpit ang monitoring nila sa boarder control o sa Balanacan Port kung saan ito ang nagsisilbing pangunahing entry point o daanan ng mga biyahero mula sa Talao-Talao Port, Lucena City.
Samantala, ibinahagi ng punong bayan na hindi pa bukas ang Mogpog LGU sa pagpasok ng mga turista dahil prayoridad umano nila ang alagaan ang kalusugan ng mga mamamayan. – Marinduquenews.com