BOAC, Marinduque – Nagpatawag ng pagpupulong ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) kasama ang Provincial Treasury Office (PTO) tungkol sa proposal na Condonation of Real Property Tax ngayon taong 2017.
Sa isinusulong na resolusyon sa Sangguniang Panlalawigan, hiniling ng PDRRMC at ng PTO na pahintulutan lalo na ang mga magsasakang Marinduqueño na ipagpaliban ngayong taon ang pagbabayad ng buwis at interes o babaan ang kanilang mga bayarin sa treasurer’s office ng kanilang lokal na pamahalaan.
Ang nasabing hakbangin ay makatutulong upang mabawi ng mga mamamayan ang mga nalugi nilang kabuhayan matapos manalasa ang bagyong Nina nitong nakalipas na buwan na sinusuportahan naman ng Resolution No. 157 series of 2016 na nagpapayag na ang lalawigan ay nasa ilalim ng State of Calamity.
Ayon sa Local Government Code ng 1991, binibigyan nang kakayahan ng Republic Act No. 7160, Sec. 276 ang isang lugar na magtakda ng condonation of real property tax kung ito ay matinding naapektuhan ng anumang nagdaang sakuna kung saan ang mga pananim at produkto ng mga magsasaka sa merkado ay lubusang napinsala.
Matapos talakayin ng PTO, sinang-ayunan ito ng lahat na kasapi ng konseho pagkatapos ay idadaan naman sa sangguniang panlalawigan upang pagtibayin ang tinatawag na relief in the form of condonation.
Sa kabilang dako, maaari pa ring magbayad ang mga taxpayer ng kanilang buwis ngayong first quarter na mayroong 10% discount simula sa buwan ng Enero hanggang ika-31 ng Marso, Abril 1 hanggang Hunyo 30 para sa second quarter, Hulyo 1 hanggang Setyember 30 para sa third quarter at Oktubre 1 hanggang ika-31 ng Disyembre naman para sa fourth quarter.
Noong ika-31 naman ng Disyembre 2016 nagtapos ang 20% discount para sa advance payment ng real property tax.
Nagpaalala rin ang PTO sa mga taxpayer na agad magbayad ng real property tax habang maaga upang maiwasan ang magkakaroon ng multa.