Matapos ang kontrobersiyal ng pagkamatay ni Energy Regulatory Commission (ERC) Director Francisco Jose Villa Jr., ay pinag-aaralan na ng Kamara ang pagbuwag sa ERC.
Sinabi ni House Energy Committee Chairman at Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco, na hindi maaaring balewalain ng kanilang lupon ang mga katiwaliang sumingaw sa ERC na umanoy nagtulak kay Villa para magpakamatay.
Paliwanag pa ni Velasco, maaaring lusawin ang ERC sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
Sa pagbuwag umano sa ERC, maaaring bumuo ang Kongreso ng panibagong tanggapan na sasalo ng tungkulin ng komisyon o pwedeng ipasa na ito sa Department of Energy (DOE).
Ang ERC na nilikha sa ilalim ng EPIRA law ay isang Quasi-Judicial Regulatory body na dapat magsulong ng kompetisyon sa power market, magbantay-laban sa pag abuso ng mga power companies at magpataw ng parusa sa mga ito.