BOAC, Marinduque – Makalipas ang isang buwan matapos na maluklok sa pinakamataas na posisyon sa Kamara, nanumpa na si Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco sa harap ni Pangulong Rodrigo Duterte kasabay nang pagdiriwang ng kanyang ika-43 kaarawan kamakailan.
Ginanap ang oath-taking sa isang pribadong pagtitipon sa Rizal Hall sa Palasyo ng Malakanyang na dinaluhan ng kanyang asawang si Rowena, amang si Gov. Presbitero Velasco, Jr., inang si Torrijos Mayor Lorna Velasco at panganay na kapatid na si Provincial Administrator Michael Vincent.
Nasa oath taking ceremony rin si Senador Bong Go, Executive Secretary Salvador Medialdea at ilang mga kasamahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa isang pahayag, sinabi ni House Speaker Velasco na ikinagagalak niyang manumpa sa harap ni Pangulong Duterte na kanyang hinahangaan at pinagkakautangan ng loob.
Nangako rin ang kongresista na gagawin ang lahat para hindi biguin si Pangulong Duterte sa mga inaasahan nito sa Kamara partikular na sa pagpapasa ng mga legislative agenda ng administrasyon. – Marinduquenews.com