BOAC, Marinduque — Pormal nang pinasinayaan ang bagong gawang gusali ng Alternative Learning System (ALS) na matatagpuan sa Don Luis Hidalgo Memorial School sa bayan ng Boac nitong Biyernes, Nobyembre 17.
Sa pamamagitan ng paglagda sa memorandum of agreement ay opisyal na ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan ang nasabing gusali sa Department of Education (DepEd)-Schools Division of Marinduque kung saan, ito ang ikalawang ALS building na pinagawa at pinondohan ng munisipyo.
Ayon kay Municipal Administrator Carlo Felizard Jacinto, hangad ng Boac LGU na ang bawat sulok ng istruktura ay magsilbing pagbabago patungo sa tagumpay ng mga mag-aaral ng ALS.
“Sa pagkakatalaga natin sa gusaling ito, naghahatid tayo ng hamon at pangako sa bawat isa, na ang pagtutok sa edukasyon ay susi ng pag-unlad. Nawa’y maging inspirasyon ang proyektong ito sa bawat mag-aaral na matagumpay na maabot ang kanilang mga pangarap,” wika ni Jacinto.
Sinabi naman ni Mayor Armi Carrion na ang ALS ay isang mahalagang bahagi ng sistema ng edukasyon na naglalayong bigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan lalo na ang mga kabataan na hindi nakapag-aaral sa tradisyunal o pormal na paraan.
“Bilang ina ng bayan, pangarap ko na ang lahat ng ating mga kababayan dito sa Boac ay magkaroon ng sapat na edukasyon at ang ALS building na ito ay magiging sentro ng kaalaman at pag-unlad para sa ating mga estudyante,” pahayag ng alkalde.
Nagmula ang pondo ng proyekto sa special education fund ng lokal na gobyerno na may halagang P1.9 milyon kung saan ang pasilidad ay may kabuuang lawak na 63 square meters at ginawa sa loob lamang ng 74 na araw.
Hulyo ng kasalukuyang taon nang pasinayaan ang kauna-unahang gusali ng ALS sa buong Marinduque na makikita naman sa Boac South Central School habang inaasahang makapagtatayo pa ng kaparehas na establisyemento sa ibang distrito ng Boac sa mga susunod na buwan. — Marinduquenews.com