GASAN, Marinduque – Sa huling tala na iniulat ng NDRRMC, isang mangingisda ang nawawala sa Marinduque matapos itong pumalaot noong kasagsagan ng habagat.
Kinilala ang mangingisda na si Ruben Pahilagmago, 57 taong gulang at naninirahan sa Brgy. Bognuyan, Gasan, Marinduque.
Ayon sa report, dakong alas 7:00 ng umaga nitong Agosto 8 nang umalis sa kanilang tahanan si Ruben upang pumalaot sa baybayin ng Gasan sakay ng isang bangkang de motor. Subalit mga bandang alas 3:00 ng hapon noong araw ding iyon, natagpuan ang bangka na kanyang sinakyan sa pagitan ng karagatan ng Marinduque at Mindoro.
Kaugnay nito, patuloy pa ring nagsasagawa ng search and rescue operations ang mga operatiba upang hanapin ang nawawalang mangingisda.
Nanawagan naman ang pamilya ng biktima sa mga mamayang naninirahan sa mga karatig isla (Mindoro at Romblom) na ipagbigay alam agad sa kanila kung mapadpad ito sa lugar.