SANTA CRUZ, Marinduque – Nagsagawa ng tree planting ang Elite Lion Riders Club Philippines-Marinduque Chapter at Morion Mountaineers Santa Cruz Marinduque Inc. sa Barangay Baguidbirin, Santa Cruz kamakailan.
Bago isagawa ang pagtatanim ay ipinaliwanag ni Manny Prieto, Agricultural Technologist ng Santa Cruz Municipal Agriculture Office ang iba’t ibang uri at pamamaraan ng pagtatanim ng kape.
“Ang itatanim po natin ay Kapeng Robusta, ito po ‘yong variaty ng kape na in-demand ngayon kung saan ginagagamit natin ‘yong bunga sa paggawa ng 3 in 1 coffee”, saad ni Prieto.
Kung dati ay manibela ng motorsiklo ang hawak ng mga boluntaryong motorista sa pagkakataong ito ang dala nila ay mga seedlings na itinanim upang makatulong sa kalikasan at pamayanan.
“Nawa po ay dumating ang panahon na lumaki at mamunga ang mga itinanim natin na kape upang magkaroon ng kabuhayan ang mga mamamayan dito sa Baguidbirin. Gayundin sana ay makapag-anyaya pa tayo ng iba pang grupo upang matuloy tayong makapagsagawa ng ganitong gawain”, pahayag ni Vincent Agravante, organizer at corporate secretary ng Morion Mountainers.
Labis naman ang kasiyahan ng bagong miyembro ng Elite Lion Riders Club at tumatayo ring Community Affairs Officer ng bayan ng Santa Cruz na si Crestituto Quimora sapagkat naging kabahagi ito ng tree planting activity.
Ani Quimora, “Ang ganito pong gawain ay nagbibigay ng inspirasyon sa ating mga kababayan na ituloy ang pagkalinga sa ating kalikasan. Pagdating ng panahon, kapag tumubo ang mga kape na ating itinanim, ito ay magiging source of income ng mga mamamayan ng komunidad na ito”.
Mahigit isangdaan puno ng kape ang itinanim ng mga volunteers sa may halos isang ektaryang lupain sa Baguidbirin.
Katuwang din sa gawaing ito ang Santa Cruz Municipal Agriculture Office at Municipal Planning Development Office gayundin ang Marinduque News Network bilang ‘official media partner’. – Marinduquenews.com