BOAC, Marinduque – Nakatakdang gunitain ang ika-120 taong anibersaryo ng Labanan sa Paye sa bayan ng Boac sa darating na Hulyo 31.
Hindi kagaya ng pagdiriwang sa mga nakalipas na taon na sa mismong pook sa Sitio Paye, Barangay Balimbing kung saan naganap ang makasaysayang labanan, ngayong taon ay sa Boac Covered Court ito gaganapin.
Gayundin, isang kinatawan lamang mula sa nasyunal at lokal na ahensya ang inanyayahang dumalo.
Ito ay bilang pagtalima sa mahigpit na kautusan ng Inter-Agency Task Force (IATF) at pamahalaang panlalawigan na limitahan lamang ang mga taong dadalo sa isang malakihang pagtitipon.
Ang paksa ng komemorasyon ng Labanan sa Paye ngayong taon ay ‘Paggunita, Parangal, at Pagharap sa Hamon ng Pagkakaisa, Tungo sa Ligtas na Pamayanan sa Panahon ng Pandemya’.
Panauhing pandangal si Noel Rene Nieva na mula sa lahi ng bayani ng Paye na sina Police Delegate Calixto Nieva at 2nd Lieutenant Gregorio Nieva.
Ang Labanan sa Paye ay isa sa dalawang digmaang naganap sa lalawigan ng Marinduque sa pagitan ng mga kawal Pilipino at sundalong Amerikano noong Hulyo 31, 1900.
Ayon sa panandang pangkasaysayan, sa digmaang ito ay nagwagi ang Second Guerilla Unit na dating bahagi ng Second Company, Infantry Batallion ng Marinduque Revolutionary Force na nakatalaga naman sa Rehiyong Boac at Mogpog na noon ay pinamumunuan ni Kapitan Teofilo Roque na siyang lumaban sa Company A ng Twenty-Ninth Infantry, United States Volunteers na may Garisson sa bayan ng Boac na dating pinangungunahan ni Tenyente William S. Wells, Jr. Sa labanang ito ay nabihag ng mga Marinduqueno ang dalawang kabong Amerikano at isang sibilyang Ingles.
Samantala, special non-working holiday sa buong Marinduque sa kaparehas na araw, Hulyo 31 sa bisa ng Republic Act No. 9749 o ang ‘Act Declaring July 31 as Battle of Paye Day’. (RAMJR/PIA-MIMAROPA)