BOAC, Marinduque – Dahil sa Provincial Ordinance No. 124 o mas kilala sa tawag na Lactation Station Ordinance, ipinagtibay kamakailan ng Sangguniang Panlalawigan ng Marinduque (SP) na magtayo ng lactation station ang bawat opisina ng ahensya ng pamahalaan sa lalawigan.
Layunin kasi ng ordinansa na ito na palaganapin at tangkilikin ang breast feeding program para sa kapakanang pangkalusugan ng bawat sanggol sa buong lalawigan na naaayon sa batas nasyonal na Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009.
Ayon kay Angelica L. Arbarquez mula sa tanggapan ng SP, sa isinagawang pagdinig ng SP Committee on Social Services na pinangungunahan ni Bokal Theresa P. Caballes kasama ang mga opisyal mula sa Provincial Nutrition Office, Provincial Health Office at Provincial Social Welfare and Development Office, nagmungkahi ang bawat kinatawan ng ahensya ng mga rekomendasyon na naging dahilan sa pagsulong ng Resolution Enacting Provincial Ordinance No. 124 Series 2016 na nagpapaunlak na magtayo ang bawat establisyemento ng lactation station o pasusuhan, ito man ay nasasakop ng pamahalaan o nabibilang sa pribadong sekctor ng lipunan.