BOAC, Marinduque – Hangad ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. na mabigyan ng tig-dalawang washable face mask ang lahat ng mamamayan sa buong Marinduque.
Ito ay upang masiguro na may maisusuot na face mask ang mga residente sa probinsya sa tuwing kinakailangan nilang lumabas ng bahay o makikipag-usap sa kanilang kapwa.
Aniya, kapag nakasuot ng face mask ang bawat isa, maiiwasan ang pagkalat ng virus na dala ng pandemyang COVID-19.
Dahil dito, pinangunahan ng Livelihood Manpower Development and Public Employment Service Office (LMD-PESO) Marinduque ang produksyon ng libreng washable face masks.
Mula sa pondo ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), ang programa ng LMD-PESO ay nabigyan ng pondong P2 milyon para sa mga materyales na gagamitin sa paggawa ng nasabing face masks at katuwang naman ang Tulong Panghanapbuhay sa ating Displaced/Disadvantaged Workers Program (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagpapasahod sa may humigit 200 sastre na inorganisa ng tanggapan na magtatahi ng 300,000 washable face masks na target ng pamahalaang panlalawigan.
Sa kasalukuyan ay nasa 150,000 washable face masks na ang nagawa ng LMD-PESO-Marinduque na nakatakdang ipamigay sa mga mamamayan sa susunod na mga araw.
Samantala, nangangailangan pa ng karadagdagang 170 mananahi ang Livelihood Manpower Development and Public Employment Service Office. Sa mga interesado, maaaring makipag-ugnayan sa kanilang opisina o tumawag sa mga numerong (042) 332-0266. – Marinduquenews.com