LSI sa Santa Cruz, nagpositibo sa COVID-19

SANTA CRUZ, Marinduque – Nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 ang isang locally stranded individual (LSI) sa bayan ng Santa Cruz, Marinduque.

Ito ang kinumpirma ni Dr. Antonio L. Uy, Jr., alkalde ng nasabing bayan sa isang programa sa radyo kamakailan.

Ayon kay Uy, ang pasyente ay isang lola na 73 anyos at nakatira sa District 6. Ito ay dumating sa Santa Cruz noong Hunyo 29, alas-3:00 ng madaling araw sakay ng isang door-to-door van mula sa Santa Rosa, Laguna.

“Dumating po si lola sa ating bayan na wala namang nararamdamang sakit subalit nag-develop ang kanyang sintomas noong Hulyo 8 kaya walong araw na po siyang naka-isolate sa Tamayo Training Center”, pahayag ni Uy.

Dagdag ng punong bayan, nagkaroon ng pag-ubo ang pasyente kung kaya’t isinailalim ito sa swab testing. Lumabas ang resulta ng Real-Time Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test noong Hulyo 15 mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at dito nalaman na positibo sa COVID-19 si lola.

Si lola ang kauna-unahang naitalang nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 sa Santa Cruz at ika-walong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong probinsya.

Kasalukuyan nang isinasagawa ang contact tracing para sa mga posibleng nakahalubilo ng pasyente. – Marinduquenews.com

error: Content is protected !!