SANTA CRUZ, Marinduque — Kung dati rati ay hirap ang mga residente ng Barangay San Antonio sa bayan ng Santa Cruz, Marinduque sa pagbiyahe patungo sa mga karatig barangay dahil sa lubak-lubak na kalsada lalo pa kapag dumarating ang tag-ulan, ngayon ay maalwan na para sa kanila ang bumiyahe.
Sa ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Marinduque District Engineering Office, natapos na ang konstruksyon ng kalsada sa naturang barangay na may habang 1,100 linear meter.
Ang nasabing proyekto na inumpisahan noong Marso 28 nang kasalukuyang taon ay pinondohan ng halagang P20 milyon mula sa General Appropriation Act of 2023 kung saan ang Kejamrenik Contruction and Construction Supplies ang nanalong kontraktor nito.
Ayon kay Engr. Evelyn Puertollano sa pagsasaayos ng naturang kalsada ay tiyak makapagbibigay ng mas ligtas at pangmatagalang imprastraktura para sa mga mamamayan at masisiguro ang tuluy-tuloy, maayos at ligtas na paglalakbay ng mga sasakyan lalo’t higit ang kaginhawahan ng mga pasahero, drayber at motorista.
Nagpasalamat naman si Punong Barangay Agosto Reig sapagkat mag-aambag ng positibong epekto ang bagong kalsada sa kanilang pamayanan lalo’t higit sa mga magsasaka kung saan ay mapabibilis ang paghahatid ng mga lokal na produkto mula sa kanilang barangay patungo sa kabayanan.
Dahil sa maayos na kalsada, ang dating paglalakbay mula sa Barangay San Antonio hanggang sa bayan ng Santa Cruz na tumatagal nang halos isang oras ay magiging 30 minuto na lamang. — Marinduquenews.com