Mababang bilang ng mga biktima ng paputok, napanatili ayon sa DOH Marinduque

BOAC, Marinduque — Sa pagsalubong sa bagong taon sa Marinduque, napanatili ng Department of Health (DOH) ang mababang kaso ng biktima ng paputok sa lalawigan.

Ayon kay Delbert J. Madrigal, Development Management Officer ng DOH-Marinduque, nakapagtala lang muli ng tatlong biktima ng paputok ang kanilang ahensya kung saan ay dalawa ang lalaki at isa ang babae gaya rin ng bilang na kanilang naitala noong 2017.

Nangunguna pa rin sa listahan ng mga paputok na madalas gamitin ng mga biktima ang lucis, piccolo at baby rocket.

Sa nakitang obserbasyon ng DOH-Marinduque, naging kapansin-pansin umano sa lahat ng bayan na bumaba ang bilang ng mga gumagamit ng mga paputok para sa pagsalubong sa bagong taon.

#MakeADifference: Kabayan, help us to stay up, help us to buy a video camera

Ang pagbaba ng bilang ng mga biktima, ayon kay Madrigal, sa taong ito ay epekto ng Executive Order No. 28 s. 2017 na ipinalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte na may kinalaman sa regulasyon at pagkontrol ng paggamit ng anumang uri ng paputok.

Naging kaagapay rin ng DOH ang lahat ng fire station kung saan nagsagawa sila ng Oplan Paalala kasabay ng pamimigay ng leaflets at pag-inspeksyon ng mga itinindang paputok sa merkado. — Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!