BUENAVISTA, Marinduque — Hinatulan na mabilanggo nang mula 3 hanggang 20 buwan ang mga akusado sa invest-wait-earn o IWE matapos na mapatunayang ‘guilty beyond reasonable doubt’ sa kasong estafa na isinampa ng mga pribadong indibidwal.
Sa inilabas na desisyon ni Mogpog Municipal Trial Court (MTC) Judge Designate Junelet Sotto Mataro, inutusan din ng korte ang mga akusado na sina Gaile Mercene, Annabelle Mercene at Kennedy Mercene na magbayad ng danyos perwisyo sa tatlong natitirang complainant pati na rin ang legal interest na anim na porsiyento simula ng isinagawa ang judicial demand.
Una nang hinatulan na guilty sa kaparehas na kaso ang mag-anak na Mercene noong Pebrero at Mayo ng magreklamo ang pito pang indibidwal na nagoyo sa naturang investment scam.
“Labis-labis po ang aking pasasalamat gayundin ng aking asawa sapagkat matagal na panahon po naming hinintay bago namin tuluyang nakuha ang hustisya lalo pa at batid namin na ang isa sa mga akusado ay dating OIC-clerk of court ng Buenavista MTC. Nagpapasalamat din po kami kay Fiscal Dioscoro Timtiman Jr. sapagkat s’ya po talaga ang tumulong sa amin para hindi namin ito sukuan. Tunay po na nananaig pa rin ang tamang hustisya sa ating bansa,” pahayag ng isa sa mga nagsampa ng reklamo.
Nobyembre 2020 ng unang pumutok ang balita tungkol sa nasabing investment scam sa Marinduque matapos na humingi ng tulong sa tanggapan ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. ang biktima na si Mark Louie Diosana kung saan ay napag-alaman na marami sa mga mamamayan ng Buenavista at karatig bayan ang naglagay ng investment sa grupo na nangakong tutubo ng 100 porsiyento.
Sa paunang ulat, tinatayang nasa P200 milyon ang nakulimbat ng grupo sa mga biktimang nagoyo ng IWE na karaniwan ay kinabibilangan ng mga pulitiko, pulis, negosyante at estudyante sa probinsya. — Marinduquenews.com