BOAC, Marinduque – Sa panayam sa radyo kay Engr. Gaudencio M. Sol, Jr., general manager ng Marinduque Electric Cooperative (Marelco) noong Huwebes, Abril 6, nilinaw nito na sapat ang supply ng kuryente sa buong probinsiya.
“Ang supply ng kuryente sa lalawigan ay tama lang para sa buong Marinduque, wala po tayong problema”, ayon kay Engr. Sol.
“Ikinalulungkot ko po sa ating mga kababayan na nagkaroon ng paputol-putol na supply ng kuryente sa kadahilanang hindi maiiwasang mga pangyayari. Tulad noong April 3, nagsimula ng madaling araw, 0045, na ang unit rental at power barge ay awtomatikong nagtrip dahil sa naranasang line fault. Tapos noong alas 4:00 ng hapon, nakaranas ulit ng total plant shutdown, medyo malakas ang hangin n’yan at nag-awtomatik trip din ang mga makina at nakakita tayo ng mga coconut palm na nakasabit sa ating mga transmission line at naulit pa ito partial power interruption sa feather one, which is Santa Cruz to Torrijos noong alas 7:00 at nagkaroon naman ng plant trouble ang power barge 120, ‘yong nasa Balanacan at noong alas 11-11:30 ay naulit na naman po, nag-total brown out ang buong Marinduque dahil sa pagtrip ng auto…closer na nakaramdam po ng problema sa ating linya. Nasundan ito ng April 4 na nag-manually open ang mga planta dahil nakaramdam ng problema ang mga makina at sinabayan din ng trip due to line fault ng Torrijos. Tapos noong April 5 ay nag-total plant interruption ulit dahil nakaranas ng under voltage ang makina ng Boac sa rental. Noong April 6, alas 2:00 ng madaling araw, ay nagkaproblema ang makina ng power barge at sinundan ulit ng alas 3:51 na nag-total brownout na naman sa buong Marinduque, nagkaproblema naman ang generator sa Boac at alas 7:56 total brownout ulit dahil sa problema ng makina sa power barge 120 sa Balanacan”, mahabang paliwanag ng general ng manager ng Marelco.
Idinagdag pa ni Sol na mayroong 1.5 megawatts additional capacity para sa Marinduque na inaasahang maikakabit ngayong Sabado, Abril 9 bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Moriones Lenten Rites.
Samantala, magkakaroon naman ng annual general membership assembly ang Marelco sa Abril 22, Sabado, sa ganap na ika-12:00 ng tanghali hanggang ika-5:00 ng hapon na gaganapin sa covered court sa bayan ng Buenavista. Ang lahat ng ‘member-consumer’ ay inaanyayahang dumalo.