Sa liham na inilathala ng Marinduque Electric Cooperative (Marelco) sa kanilang official Facebook page nitong Disyembre 14, ipinahayag ni Engr. Gaudencio Sol, Jr., general manager ng Marelco sa mga konsumer nito na simula sa darating na Enero 2017 ang kolektor ng Marelco ay isang beses na lamang bibisita sa mga lugar na kanilang nasasakupan at ito ay sa araw lamang ng pagbibigay ng Statement of Account. Kasabay nito, hiniling din ni Engr. Sol sa kanilang mga konsumer na agad bayaran ang mga nakonsumong kuryente sa loob ng itinakdang araw.
Narito ang liham ni Engr. Gaudencio Sol, Jr. sa mga konsumer:
Simula po sa Enero 2017, ang kolektor ng Marelco ay isang beses na lamang bibisita sa inyo at ito ay sa araw ng pagbibigay ng Statement of Account at wala ng follow up collection. Hinihiling po namin na agad ninyong bayaran sa aming collector o kaya ay sa district office ng bawat bayan ang inyong nakonsumong kuryente sa loob lamang nang siyam na araw simula sa pagkatanggap ng inyong Statement of Account. Kapag hindi po kayo nakabayad sa itinakdang araw ng pagbabayad, ikinalulungkot po naming kayo ay maputulan ng serbisyo ng kuryente sang-ayon sa umiiral na batas ng kooperatiba.
Mangyari po lamang na agad magtungo sa pandistritong tanggapan o district office ng Marelco sa lalong madaling panahon sa loob ng ibinigay na palugit para mabayaran ang nakonsumong kuryente.
Hinihingi po namin ang inyong malawak na pang-unawa at pakikipagtulungan.
Maraming salamat po.
Engr. Gaudencio M. Sol, Jr.
General Manager
Source and courtesy of Marelco.