BOAC, Marinduque — Tumanggap ng P3 milyon na calamity loan assistance ang Marinduque Electric Cooperative (Marelco) mula sa National Electrification Administration (NEA).
Base sa datos ng NEA Accounts Management and Guarantee Department, naibigay na sa Marelco ang kabuuang P3.322 milyon na gagamitin para sa rehabilitasyon ng mga nasirang ‘power lines’ bunsod ng nagdaang Bagyong Quinta at Rolly.
Ang Marelco ay isa sa mga electric cooperatives (EC) na lubhang naapektuhan ng mga bagyo noong Oktubre at Nobyembre 2020.
Ayon kay Engr. Gaudencio Sol, general manager ng Marelco, aabot sa halos P26.669 milyon ang iniwang pinsala ng mga bagyong Quinta at Rolly hindi pa kasama rito ang pinsalang dulot ng Bagyong Tisoy na umabot sa P16 milyon ang total actual damage.
“Kahit paano ay makababawas po ang loan na ito sa mga emergency purchases ng Marelco dahil talagang wala po kaming pagkukunan ng mga gastusin para sa rehabilitasyon”, pahayag ni Sol.
Ang calamity loan program ng NEA ay mayroong 10 taon na repayment term at isang taong grace period. Ang interest rate nito ay 3.25 porsiyento kada taon. — Marinduquenews.com