BOAC, Marinduque – Binayo ng bagyong Nina na may international name na Nock-Ten ang lalawigan ng Marinduque na napabilang sa mga probinsyang itinaas sa Signal No. 4 bandang alas-singko ng umaga nitong Disyembre 26.
Sa track na tinahak ng bagyo, pumasok at naglandfall sa ika-apat na pagkakataon sa bayan ng Torrijos si Nina na may dalang malakas na ihip ng hangin at malakas na pagbuhos ng ulan.
Nagdulot ng matinding pinsala sa mga pananim at maging sa mga kabahayan ang iniwang bakas ni Nina na matinding ikinalungkot ng mga mamamayan. Base naman sa huling ulat mula sa barangay Tampus, dalawang bahay ang tinangay ng tubig na nakatayo malapit sa ilog. Patuloy naman ang pagkalap ng balita at detalye ng Operation Center ng Boac tungkol sa insidenteng ito.
Sa Poblacion naman ng Boac ay nagtumbahan din ang mga malalaking puno gaya ng mangga, narra at chiko sa mga daanan ng sasakyan na naging dahilan ng pagkakasara ng ilang national roads. Dahil na rin sa matinding pag-ihip ng hanging dala ng bagyo ay sumabit ang mga naglalakihang sanga sa mga kable ng kuryente ng Marinduque Electric Cooperative (Marelco).
Sa huling naitalang datos ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council, nasa 1, 246 na pamilya na ang nailikas sa mga evacuation centers sa buong lalawigan na binubuo ng 2, 430 na indibidwal.
Base naman sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), ganap na ika-7:00 ng umaga nang tuluyan ng umalis ang bagyo sa barangay Amoingon, Boac.
Kasalukuyan nagsasagawa ng clearing operation ang Bureau of Fire Protection sa mga barangay na lubusang nakaranas ng hampas ni Nina.
Para sa karagdagang larawan ng ‘aftermath’ ng bagyong Nina sa lalawigan, mangyaring bisitahin at i-like ang aming official Facebook page.