BOAC, Marinduque — Binuksan na sa publiko ang Marinduque Expo 2021 na may temang ‘Nagkakaisang Pagtugon ng Marinduqueno sa mga Hamon ng Pandemya para sa Masaganang Bukas’.
Pinangunahan ni Most Rev. Marcelino Antonio Maralit, Jr., obispo ng Diyosesis ng Boac ang pagbabasbas sa Expo habang si Gov. Presbitero Velasco, Jr. naman ang nanguna sa ribbon cutting ceremony.
Ayon kay Gov. Velasco, sa kabila ng banta nang COVID-19 na kinahaharap ng bansa ay itinuloy pa rin ang aktibidad para matulungan ang mga micro, small, medium enterprises (MSME) na lubhang naapektuhan ng lockdown dahil sa pandemya.
“Natutuwa po ako dahil kahit pandemya ay gumalaw at nag-organisa ng ganitong gawain ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI)-Marinduque. Napakaimportante po na nabibigyan ng pagkakataon ang mga producer at manufacturer na maipakita ang kanilang mga produkto ng sa gayon ay mabili ito ng ating mga kababayan”, pahayag ng gobernador.
Bukas ang expo simula 8:00 a.m hanggang 8:00 p.m na magtatagal hanggang Abril 4, 2021. Ito ay matatagpuan sa Boac Town Plaza.
Makabibili rito ng iba’t ibang lokal na produkto kagaya ng nito, virgin coconut oil, souvenir shirts, at mga handicraft.
May mga sariwang gulay at prutas din na mabibili sa booth ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan ay tampok ang mga kagamitan at pagkain na likha at ani ng mga benepisyaryo sa ilalim ng kanilang sustainable livelihood program.
Dumalo rin sa pagdiriwang sina OIC-Provincial Director Roniel Macatol ng DTI-Marinduque, Provincial Administrator Michael Vincent Velasco, kinatawan ni Mayor Armi Carrion na si Municipal Administrator Ramila Cruzado, Vice Governor Romulo Bacorro, Jr. at Carmelita Reyes, chairperson ng PCCI-Marinduque.
Ang Marinduque Expo 2021 ay inisyatiba ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI)-Marinduque Chapter katuwang ang DTI. — Marinduquenews.com