Marinduque, ginawang ‘pilot province’ sa pagpapatupad ng PAFES sa Mimaropa

BOAC, Marinduque — Lumagda sa kasunduan para sa pagpapatupad ng Province-Led Agriculture and Fishery Extension System (PAFES) ang Department of Agriculture at Marinduque provincial government, kamakailan.

Mismong ang kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka na si Dr. William Dar ang nagtungo sa probinsya para pumirma sa memorandum of agreement (MOA) kasama sina Assistant Secretary for Strategic Communications and Department Spokesperson Noel Reyes at Regional Executive Director Antonio Gerundio ng DA-Mimaropa. Lumagda rin sa naturang MOA ang lokal na pamahalaan ng Marinduque sa pangunguna naman ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. at mga lokal na punong ehekutibo ng anim na bayan ng lalawigan.

Ayon kay Sec. Dar, napagkasunduan na ang Marinduque ang gawing ‘pilot province’ sa rehiyon ng Mimaropa para sa inaasahang desentralisasyon at ‘devolution’ sa ilalim ng Mandanas-Garcia ruling sa taong 2022.

“Ibig-sabihin, ang makukuha nating kaalaman at karanasan sa Marinduque bilang pilot province ay ating gagamitin sa pagpapatupad ng PAFES sa ibang lalawigang sakop ng Mimaropa dahil iyong ‘devolution’ ay ipatutupad na sa buong bansa sa susunod na taon,” ani Dar.

Ang PAFES ay estratehiya ng mga programa at extension services sa ilalim ng kakambal na layunin ng ahensya kung saan hangad nitong abutin ang isang masaganang ani at mataas na kita para sa sektor ng agrikultura at pangisdaan. Ito rin ang magsisilbing sistema ng kagawaran upang ihanda ang lokal na pamahalaan sa Mimaropa region sa implementasyon ng Mandanas-Garcia ruling sa darating na 2022. — Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!