BOAC, Marinduque – Pormal nang idineklara ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang Marinduque bilang kauna-unahang ‘drug-cleared’ na probinsya sa buong rehiyon ng Mimaropa at ikatlo sa buong Pilipinas.
Ang deklarasyon na pinangunahan nina PDEA Mimaropa Regional Director Jacquelyn de Guzman, Rep. Lord Allan Jay Velasco, Gov. Presbitero Velasco, Jr. at PNP Marinduque Provincial Director PCOL Cresenciano Landicho ay isinagawa kasabay ng ika-34 na anibersaryo ng EDSA sa Provincial Convention Center sa bayan ng Boac.
Ayon kay Atty. Jacquelyn de Guzman, tumatayo ring chairperson ng Regional Oversigth Committee on Drug Clearing Program, matapos maisagawa ang mahigpit na assessment at validation sa 218 na barangay sa anim na bayan ng Marinduque ay pumasa ang mga ito sa naitakdang parameters ng Dangerous Drugs Board Regulation No. 3 series of 2017 kaya naideklarang ‘drug free’ ang lalawigan.
Nauna na ring naideklara ang Biliran at Guimaras bilang ‘drug-cleared’ na mga probinsya. (RAMJR/PIA-Mimaropa)