Isang resolution ang inihain ni Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para kilalanin ang Moriones festival bilang isang tradisyonal na taunang event tuwing Semana Santa na sa kanilang lalawigan lang ginaganap.
Sa House Resolution No. 191, iginiit ni Velasco sa Department of Tourism (DOT) at sa National Commission for Culture and the Arts (NCAA) na kilalanin ang Marinduque bilang nag-iisa at tanging tahanan ng Moriones festival sa buong Pilipinas.
Pinaliwanag ni Velasco na nakilala ang Moriones festival bilang bahagi ng tradisyon ng mga taga-Marinduque tuwing Semana Santa.
“The province of Marinduque is well-known, here and abroad, for its colorful and joyous celebration of the Moriones Festival,” ayon kay Velasco.
Gayunman, ginagaya na umano ng ibang probinsya ang cultural tradition na ito ng Marinduque na wala man lamang pahintulot mula sa kanilang lalawigan na nakakasira sa ipinamanang kultura sa mga Marinduqueño.
Dahil maraming probinsya na ang gumagaya at nagkaroon na rin ng sarili nilang bersyon ng Moriones festival, sinabi ni Velasco na mahalagang kilalanin at iproklama ng Kongreso ang lalawigan ng Marinduque na siyang nag-iisa at tanging tahanan ng Moriones festival sa buong Pilipinas.
Pagdidiin pa ni Velasco, sa Marinduque unang nakilala ang Moriones festival at nakabaon na ito sa kultura ng kanilang lalawigan. – This story was first published on Abante Tonite