BOAC, Marinduque – Isinailalim na sa State of Calamity ang probinsya ng Marinduque dahil sa matinding pinsalang iniwan ng Bagyong Nina sa kabuhayan maging sa imprastraktura sa buong lalawigan.
Matapos makapagsumite ng resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan ng Marinduque, inanunsiyo ngayong hapon ng Disyembre 28, 2016 sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) at Department of Interior and Local Government (DILG) – Marinduque na nais nang gamitin ang Calamity Funds ng probinsiya upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga residenteng lubos na naapektuhan sa hagupit ng bagyong Nina.
Ayon sa ulat, umabot na sa 2,893 ang bilang ng mga kabahayan ang lubusang nasira at tumatayang 9,444 ang itinuring na partially damaged.
Naitala rin kahapon ng tanghali sa tanggapan ng PNP-Boac ang isang casualty sa Brgy. Tugos, Boac. Nakilala ang batang lalaking biktima na si Jazz Lolong Hermosa, walong taong-gulang na mag-aaral sa ikatlong baitang. Ayon sa initial report, natagpuan ang biktima isang araw matapos ang pagragasa ng bagyo at napag-alamang pagkalunod ang sanhi ng pagkasawi ng bata.
Samantala, labingpitong (17) indibidwal naman ang napabilang sa listahan ng itinuturing na injured persons na daglian namang naitakbo sa pagamutan.
Sa ipinasang report ng Provincial Hospital Office, nasalanta rin ang mga pangunahing hospital ng lalawigan tulad ng Damian Reyes Provincial Hospital, Torrijos Municipal Hospital at Sta. Cruz District Hospital, at tinatayang may kabuuang Php 45-milyon ang estimated cost of damage sa kanilang mga pasilidad at kagamitan.
sa tantya naman ng Provincial Agriculturist Office, pumalo sa Php 1-bilyon ang iniwang pinsala ni Nina sa mga pananiman ng saging, gulay, root crops, mangga, kape, kakao, palay, mais at iba pang punong-kahoy na pinagkukunan ng kabuhayan ng mga magsasaka.
Sa nakalap namang impormasyon ng Provincial Veterinary Office, nasa Php 3,000,000.00 ang halaga ng pagkalugi sa livestock industry o sa mga nag-aalaga ng hayop tulad ng manok, baboy, baka, kalabaw at kambing.
Bukod sa mga bubong at kahoy na pinalipad ng malakas na hanging hatid ng bagyong Nina, pinadpad din sa baybayin ng dagat sa bayan ng Gasan ang barkong M/T Obama na babyahe sana papuntang Tacloban na nagmula sa Subic Port lulan ang 21 tripulante. Titiyakin naman ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) kung may naiwang coastal damage ang nasabing barko.
Sa ngayon ay wala pa ring serbisyo ng kuryente ang Marinduque Electric Cooperative (Marelco) sa buong lalawigan kung saan apektado na rin ang ilan padaluyan ng tubig sa bayan ng Boac at sa iba pang lugar ng probinsya.
Narito ang kopya ng resolusyon sa pagkakasailalim ng Marinduque sa state of calamity.