Itinanghal na grand champion ang Marinduque National High School (MNHS) sa katatapos lamang na 5th NCCA (National Commission of Culture and the Arts) Diwang Sagisag National Songwriting and Performance na ginanap sa NCAA Building, Intramuros, Manila.
Sa pag-awit ng awiting “Isang Dugo, Isang Ugat”, naipamalas nina Jerson Manahan (teacher/voice coach), Nikko Reyes (teacher/composer) at Karylle Manrique (estudyante/co-singer) ang kanilang galing sa pagkanta bilang kinatawan ng buong rehiyon ng Mimaropa.
“Thank you God for the talent! Salamat po for the prayers and for those who supported us! Malupit talaga ang Composer Nikko Reyes and co-singer Karylle Monteras Manrique and of course our mother dear Annabelle Mingi Marmol. Mabuhay Marinduque, Mabuhay Mimaropa”, galak na pahayag ni Jerson Manahan sa kanyang Facebook account.
Naging pamantayan ng mga hurado sa pagpili ng panalo sa kompetisyon ang liriko (25%), melodiya (25%), orihinal at pagkamalikhain (25%) at pagganap (25%) na may kabuohang 100%.
Bukod sa gintong tropeyo at sertipiko na natanggap ng representante ay nag-uwi rin sila ng P20,000.00 bilang cash prize.
Matatandaan na noong nakaraang taon ay nagwagi rin ang MNHS sa nasabing paligsahan.
Naging katuwang naman ng NCCA sa kaganapang ito ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), Philippine Cultural Education Program (PCEP) at Bulacan Arts Culture and History Institute (BACH).
Ang patimpalak na ito ay nilikha ng NCCA para sa mga baguhan at propesyonal na manunulat ng kanta sa buong Pilipinas.
Report by Allan Macapugay and Adrian Sto. Domingo