BOAC, Marinduque – Bukod tangi ang Marinduque sapagkat ito lamang ang nag-iisang probinsya sa buong rehiyon ng Mimaropa na ang lahat ng municipal police stations ay tumanggap ng parangal sa katatapos lamang na Proficiency Stage Conferment and Awarding Ceremony of Lower Units na isinagawa sa Camp Col. Maximo Abad, Boac, Marinduque kamakailan.
“Tayo lamang ang natatanging lalawigan sa rehiyon ng Mimaropa na ang lahat ng munisipalidad ay ginawaran ng Golden Eagle Award, at isa ito sa pinakamalaking gantimpala na ating nakamit sa probinsya”, bahagi ng pahayag ni Marinduque Police Provincial Office Provincial Director Cresenciano A. Landicho.
Tinanggap ng Torrijos, Boac, at Santa Cruz Municipal Police Stations (MPS) ang Gold Eagle Award matapos makapagtala ang mga ito ng kabuuang rating na higit sa 96 porsiyento.
Ang “Gold Eagle Award” ay iginagawad sa Philippine National Police unit na may kabuuang rating na 96 hanggang 100 porsiyento sa ikatlong bahagi ng PNP Performance Governance System (PGS).
Nakuha ng Torrijos MPS ang pinakamataas na kabuuang rating na umabot sa 97.09 porsiyento, pumangalawa ang Boac na nakapagtala ng 96.70 porsiyento at 96.35 porsiyento naman ang nakuha ng Santa Cruz MPS.
Samantala, ginawaran ng Silver Eagle Award ang Buenavista Municipal Police Station na may 95.76 porsiyento, sinundan ng Gasan na may 95.27 porsiyento at Mogpog MPS na may 94.53 kabuuang rating habang nakakakuha naman ng 95.25 porsiyento ang Provincial Mobile Force Platoon Advisory Council (PMFPAC).
Bilang pagkilala sa kakayahan ng mga nagwaging opisina, hinikayat ni Police Colonel Landicho ang mga pulis na huwag lamang magtrabaho dahil ito ay isang responsibilidad bagkus ay gawin ang lahat ng makakaya upang pagsilbihan ang taumbayan.
“Kahit maliit lamang ang ating probinsya at kaunti lamang ang ating manpower service, hindi naman tayo magpapahuli pagdating sa operasyon at maayos na pagseserbisyo sa ating mga kababayan”, ani Landicho.
Sinabi naman Vice Governor Romulo A. Baccoro, Jr. na nagsilbing guest of honor at speaker sa naganap na gawad parangal na sisikapin ng sangguniang panlalawigan na madagdagan ang pondo para sa mga pagsasanay ng kapulisan upang agarang maaksyunan ang iba’t-ibang karahasan sa lalawigan. – Marinduquenews.com