Makatatanggap ng Php 1 milyon mula sa Davao City ang lalawigan ng Marinduque, ito ay matapos aprubahan ng sangguniang panlunsod nitong Martes, Enero 10 ang kabuuang Php 3 milyong cash assistance para sa tatlong lalawigan sa Luzon na lubos na napinsala ng bagyong Nina.
Ayon kay Councilor Danilo Dayanghirang, chairman ng Committee on Finance and Ways & Means, nakatanggap sila ng sulat mula kay Mayor Sara Duterte na humihiling na maglaan ng pondo mula sa city’s quick response fund para sa mga probinsya ng Marinduque, Quezon at Batangas.
“We received a letter of urgency from the mayor’s office for the approval of the additional Php 3 million financial assistance for the victims of Typhoon Nina. The fund will be coming from the Calamity Fund of the city for this year,” ayon kay Dayanghirang.
Ang mga bayan ng Boac, Gasan, Mogpog at Torrijos sa probinsya ng Marinduque ay makakatanggap ng Php 250,000 each samantalang tig Php 1 milyon naman ang mapupunta sa mga lalawigan ng Quezon at Batangas. Ang nasabing ayuda ay nakalaan para sa 43,620 na mga pamilyang biktima ng bagyo sa mga nabanggit na lugar.
Sinabi pa ni Dayanghirang, ang siyudad ng Davao ay palagiang nagpapaabot ng financial aid sa lugar na matinding tinamaan ng kalamidad sa kondisyong nakapagdeklara at nasa ilalim na ito ng state of calamity.
Si Davao City Central 911 Chief Emmanuel Jaldon ang naatasang maghatid ng financial assistance sa mga biktima.
“We also authorized Mr. Jaldon to check the condition of the provinces and to monitor that the money will be used for the benefits of the people,” dagdag ni Dayanghirang.
Nitong nakalipas na Disyembre, una nang naghatid ng tulong ang Davao City sa mga probinsya ng Albay, Camarines Sur, Mindoro at Catanduanes na matindi ring tinamaan ng bagyo kung saan ay umabot sa Php 11 milyon na financial fund ang ibinigay ng sangguniang panlunsod. Kasabay nito mayroon ding 20,000 food packs na ipinamahagi sa mga nabanggit na lalawigan bago mag bagong taon.