Mas pinagandang Marinduque Airport, bubuksan ngayong araw

GASAN, Marinduque – Dumating na ang pinakahihintay ng mga taga-Marinduque. Bubuksan na ngayong umaga, Abril 11 ang mas pinaganda at mas pinaayos na Marinduque Airport.

Noon, natenggang wasak ang Passenger Terminal Building (PTB) ng paliparan. Taong 2013 nang matigil ang operasyon nito. Matagal na panahon ding nanatiling maikli ang runway nito.

Ngayon, matapos tahimik na tutukan ng DOTr-CAAP ang rehabilitasyon ng Marinduque Airport, naayos na ang sira-sirang PTB at nalagyan na rin ng aircon. Mayroon na ring x-ray machine sa paliparan para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng seguridad dito.

Bukod sa mga ito, nakumpleto na rin noong ika-19 ng Nobyembre 2018, sa pangunguna ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), ang pagpapalawig ng runway ng Marinduque Airport na magbibigay-daan para makatanggap ito ng mas malalaking eroplano.

Dahil sa matagumpay na proyekto, nito lamang ika-1 ng Abril ngayong taon, muling nakapaglunsad ng commercial flights mula sa Marinduque Airport.

Dinarayo ang Marinduque para sa isa sa mga pinakasikat na pista sa bansa — ang ‘Moriones Lenten Rites.’ Sa lalawigang ito rin matatagpuan ang ilan sa mga pinakamatatandang simbahan, ang Boac Cathedral at Santa Cruz Church.

Patuloy na itinataguyod ng DOTr at ng mga kaakibat nitong ahensya ang pagpapaibayo ng connectivity at mobility sa bansa, upang makapaghatid ng maginhawang buhay sa mga Pilipino. – Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!