Masustansyang pagkain, ipamamahagi sa mga batang malnourished sa Mogpog

MOGPOG, Marinduque – Namahagi ng mga masustanyang pagkain ang Provincial Nutrition Office (PNO) sa mga Barangay Nutrition Scholars (BNS) sa bayan ng Mogpog kamakailan.

Ang programa ay pinangunahan ni Provincial Nutrition Head Robie G. Apiag kasama sina District Nutrition Program Coordinator Elinor L. Lustania at Mogpog Municipal Assistant Nutritionist Robelia L. Nunez.

Ang nasabing mga ‘nutritional foods’ kagaya ng itlog, gatas, harina at tinapay ay nakatakda namang ipamahagi ng mga Barangay Nutrition Scholars sa mga batang kulang sa timbang o underweight.

Layunin ng programa na sa kabila ng pandemyang nararanasan sa bansa dulot ng Coronavirus Disease 2019 ay patuloy pa ring mabigyang pansin at matugunan ang pangangailangan sa pagkain ng mga batang malnourished.

Sa kasalukuyan ay mayroong 43 malnourished na mga bata ang naitala sa buong bayan ng Mogpog.

Matapos ang pamamahagi ng ‘supplementary foods’ ay napag-usapan naman ng PNO at BNS ang mga plano para sa darating na Hulyo kung saan ay ipagdiriwang ang Nutrition Month.

Aniya ay kinakailangang paigtingin ang paggamit ng social media at iba pang platform upang maipalam sa mga mamamayan ang tamang pangangalaga sa kalusugan lalo na sa mga bata sa panahon ng pandemya.

Hinikayat din ni Apiag ang mga Barangay Nutrition Scholars na paalalahanan ang mga ina na ugaliing mag-breastfeed.

“Karamihan sa mga bata ngayon ay bansot o kulang sa timbang. Ang solusyon natin diyan ay breastfeeding. Hanggat maaari ay iwasan ang pagpapainom ng formula milk. Ang gatas ng ina ay libre na, ligtas at healthy pa. Malaki ang maitutulong nito sa ‘brain development’ gayundin sa pagpapabuti ng kalusugan ng isang sanggol,” pahayag ni Apiag. Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!