MAYNILA – Nais nang iwasan ng lokal na pamahalaan ng Marinduque ang home quarantine para sa mga residenteng may COVID-19 dahil ito umano ang mas lalong nagkakalat ng sakit sa kanilang mga pamilya at komunidad.
“Dini-discourage namin ang home quarantine. Matagal na naming sinasabi ito na ang hawahan ay sa loob ng bahay at basta may isang infected person sa loob ng bahay halos hinahawahan niya lahat ng nandoon. Talagang very strict na kami,” pahayag ni Marinduque Gov. Presbitero Velasco.
Sa panayam sa TeleRadyo Sabado ng umaga, sinabi ni Velasco na isa sa ipatutupad na paghihigpit ng probinsiya ay ang pagdala sa mga COVID-19 positive na residente at close contacts nito sa tamang isolation facility.
“Starting Monday at makakayanan ng pasilidad namin ay walang home quarantine. Ilalagay sa barangay isolation facility o kung di, doon sa municipal. Kung may flu like symptoms at ‘yung contact person ‘yung first generation infected person magka-quarantine na po kami, hindi na sa bahay kasi hindi masyadong ma-monitor ang sa loob ng bahay although ang aming mga barangay officials at BHERT ay pinapa-monitor namin ‘yan,” sabi niya.
READ ALSO: Ubos na oxygen, pagod na kawani: Ospital sa Marinduque hiling ang tulong
Sabi ni Velasco na napakahirap ma-monitor ang mga may sakit sa loob ng kanilang mga bahay lalo’t marami ang nagtatago ng kanilang totoong karamdaman o hindi nagsasabing nakararanas na pala ang sintomas ng COVID-19.
“Yung mga barangay officials namin pinapa-inspeksiyon namin ‘yung bahay-bahay na at alamin kung sino may sintomas. Dine-deny pa rin kahit tinatanong. ‘Yun ang mahirap sa mga kababayan natin. Kailangan nagko-cooperate at ‘wag ninyong itatago ang sakit kaya nagse-severe, hindi nagagamot agad, tinatago nila. Pinakamasama diyan, hinahawahan nila mga mahal nila sa buhay, ‘yung mga nakatira,” sabi niya.
Dagdag pa ng gobernador na maging ibang lugar ay may ganito ring problema, hindi lamang sa kanila.
Nito ring Sabado, sinabi ni Velasco na ibabalik sa General Community Quarantine ang classification level ng probinsiya dahil sa pagdami ng kaso ng COVID-19 at hirap na rin ang health system sa pag-manage nito. Ihihingi pa ng permiso ng probinsya sa IATF ang pagsasailalim sa GCQ ng 2 linggo.
Kasalukuyang nasa modified GCQ ang buong probinsiya ng Marinduque.
This story was first published on ABSCBN News