Narito ang mensahe ni Senador Loren Legarda sa Pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan na isinagawa sa San Jose, Occidental Mindoro nitong Marso 12, 2018.
“Ako po ay lubos na nagpapasalamat sa inyong pag-imbita sa akin upang makiisa sa importanteng pagdiriwang ito ng Buwan ng Kababaihan.
Ang papel na ginagampanan ng mga babae sa ating lipunan ay patuloy na nagbabago. Maraming kababaihan ngayon ang nabibigyan na ng pagkakataong makapag-aral at nagiging bahagi ng workforce, kung minsan pa ay gumagawa ng trabahong dati’y laan lang para sa mga lalaki.
Ngunit sabi nga nila, hindi dahil maraming babae na ang nakapagtatrabaho ay sapat na ito. Batid natin na marami pang dapat gawin upang mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga kababaihan, matugunan ang mga espesyal na pangangailangan, at siguraduhing mapangangalagaan laban sa kapahamakan.
Ako po ay saludo sa mga kababaihan na kasapi ng KALIPI dito sa Occidental Mindoro. Ang inyo pong mga gawain ay magpapalakas at magsisilbing inspirasyon sa iba pang mga kababaihan.
Hinihikayat ko ang lahat ng mga kababaihan ng Occidental Mindoro na patuloy na maging aktibong kasapi ng komunidad, habang patuloy tayong nagsusulong ng mga batas at polisiya na magpapalakas sa mga kababaihan.
Marami na tayong nagawa. Naipasa na natin ang maraming batas para sa kababaihan. Nandiyan ang Anti-Violence Against Women and Children Act, Magna Carta of Women, Anti-Trafficking in Persons Act, Domestic Workers Act, at marami pang iba.
At wala po tayong balak tumigil sa paglikha o pagpapaigting ng mga batas para sa kapakanan ng mga babae.
Naipasa na ng Senado ang panukalang Expanded Maternity Leave Law at ako po ay isa sa mga nag-akda. Mahalaga po ito upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kababaihang nagtatrabaho bilang mga empleyado na matutukan ang pag-aalaga sa kanilang mga bagong panganak na sanggol. Sa ganitong paraan, mas magiging handa ang isang ina na bumalik sa kaniyang pagtatrabaho.
Kamakailan po ay naipasa na rin sa Senado ang panukalang Healthy Nanay and Bulilit Act na naglalayong paigtingin ang pangangalaga sa unang isang libong araw sa buhay ng isang sanggol—simula sa pagbubuntis ng ina hanggang sa ikalawang taong kaarawan ng sanggol. Ito ay napakahalaga dahil ang first 1,000 days ng isang sanggol ay ang pundasyon ng kalusugan ng isang tao, ang kaniyang pag-unlad na intelektwal, kasanayan at pakikipaghalubilo sa kapwa at sa lipunan.
Bilang pinuno ng Committee on Finance sa Senado, na siyang sumisiyasat sa taunang budget ng gobyerno, siniguro ko po na katulad ng mga nakaraang taon, ang budget para sa 2018 ay hindi lamang magdudulot ng pag-unlad ng ekonomiya ng bansa ngunit tutugon sa mga pangunahing pangangailangan ng ating mga mamamayan. Habang umuunlad ang bansa, dapat ay sabay na umuunlad ang buhay ng bawat Pilipino.
#MakeADifference: Kabayan, help us to stay up, help us to buy a video camera
Maraming mahahalagang probisyon ang 2018 national budget na makatutulong sa ating mga kababaihan at sa inyong mga pamilya. Una, libre na ang tuition at ibang mga school fees sa lahat ng state universities and colleges (SUCs) sa buong bansa, maging sa mga local universities and colleges (LUCs) at mga technical vocational institutes (TVIs) sa ilalim ng pamahalaan. Ibig sabihin, hindi na kailangang huminto sa pag-aaral kapag naka-graduate na sa high school dahil walang pera. Ngayon, tuluy-tuloy na hanggang makatapos sa kolehiyo.
Para naman sa ating mga guro sa ilalim ng DepEd, ang kanilang cash o chalk allowance ay tataas ng isang libong piso. Mula sa dating P2,500, magiging P3,500 na ang chalk allowance ngayong taon na ginagamit ng mga guro upang bilhin ang mga kagamitan sa pagtuturo.
Ang ating mga sundalo at pulis ay makakatanggap rin ng mas mataas na sweldo simula ngayong taon na nararapat din dahil sa maselan at mapanganib nilang tungkulin. Dahil dito, mas makakasiguro tayo sa proteksyon ng ating mga pamilya at komunidad.
Samantala, patuloy pa rin ang libreng pagpapaospital sa mga pampublikong ospital dahil naglaan tayo ng pondo sa ilalim ng PhilHealth. Maging ang mga kawani ng gobyerno sa ilalim ng Ehekitubo ay magkakaroon na rin ng health insurance sa ilalim ng 2018 budget.
Sa ilalim ng DSWD budget, maliban sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, naglaan din tayo ng pondo para sa rehabilitasyon ng mga DSWD centers at Bahay Pagasa centers sa buong bansa.
Para naman sa mga maliliit na negosyante, nagdagdag din tayo ng pondo para sa Shared Service Facilities (SSF) ng DTI upang mas marami pang matulungan na MSMEs. Meron din tayong pondo para sa mga livelihood programs, sa mga nawalan ng trabaho o nangangailangan ng dagdag na kita, at mga skills training program para sa mga nais makahanap ng trabaho o magtayo ng sariling kabuhayan.
Marami pong programa ang gobyerno para sa inyong lahat. Sa tulong ng lokal na pamahalaan ng San Jose at ng Occidental Mindoro, ako po ay umaasa na maisasakatuparan natin ng mabuti ang mga programang ito pati na rin ang mga programang mangangalaga sa karapatan ng mga kababaihan at magpapalakas sa kanilang kakayahan.
Maglikha tayo ng mga oportunidad kung saan maaring maki-isa ang mga kababaihan at maging mga epektibong lider.
Ang mga kababaihan sa buong mundo at maging sa Pilipinas ay tahimik na gumagawa ng kanilang kontribusyon sa lipunan. Panahon na para isulong natin ang isang imahe na nagpapakitang ang mga kababaihan ay hindi na lamang biktima at hindi laging mahina ngunit sila na mismo ang mga bayani at lider.”
Si Legarda ay nakatakda ring dumalo sa Opening Ceremony ng MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) Regional Athletic Association Meet 2018. –Marinduquenews.com