Mga barangay secretary sa Mogpog, dumalo sa talakayan sa pagtatalang sibil

MOGPOG, Marinduque (PIA) — Sa layuning mahasa ang kasanayan ng mga kalihim ng barangay sa pagbibigay ng maayos na serbisyo sa kanilang mga nasasakupan, isinagawa kamakailan ang Kapihan at Talakayan sa Pagtatalang Sibil na inorganisa ng Mogpog Local Civil Registry Office (LCRO) katuwang ang Philippine Statistics Authority (PSA) at Philippine Information Agency (PIA)-Marinduque.

Ayon kay Virginia Sartillo, municipal civil registrar ng Mogpog, ang gawain ay bahagi ng ika-37 Taong Selebrasyon ng Civil Registration Month na may temang, ‘CRVS: The Future of Seamless Services’ kung saan ay nais palakasin ng lokal na pamahalaan ang kapasidad ng mga barangay secretary patungkol sa pagtatalang sibil.

“Ang mga barangay secretary ay kailangang-kailangan namin sa pagtatalang sibil dahil sila po ay mandated by law base po ‘yan sa Local Government Code of the Philippines Chapter 5 Section 394 kung saan nakapaloob sa batas na dapat tulungan ng mga kalihim ang municipal civil registrar sa pagpaparehistro ng kapanganakan, pagkamatay, at kasal ng mga residente sa isang lugar,” paliwanag ni Sartillo.

Dagdag pa ng pinuno ng pambayang taga talang sibil, layunin din ng talakayan na iparating sa mga kalihim ng barangay ang wastong impormasyong nararapat malaman ng mga mamamayan at mailapit ang mga serbisyo ng pamahalaan sa mas mabilis at mahusay na proseso at sistema gamit ang mga makabagong teknolohiya.

Nakiisa rin sa gawain ang mga municipal civil registrar (MCR) mula sa limang bayan ng lalawigan gayundin ang ilang opisyal ng PSA-Marinduque sa pangunguna ni Chief Statistical Specialist Gemma Opis, Mayor Augusto Leo Livelo at Romeo Mataac, Jr. ng PIA na nagsilbing tagapagdaloy ng programa.

Ilan sa mga paksang tinalakay ay ang Kasaysayan ng Pagtatalang Sibil, Background of Civil Registration Month, Information on Processing of Vital Events Registration, Information on Republic Act No. 9858, Legitimation, Information on Republic Act Nos. 9048, 9255 & 10172 at ang Information on Processing of Court Decrees.

Sa talakayan ay binigyang diin ni Opis, ang malaking papel na ginagampanan ng mga kalihim ng barangay sapagkat sila ang higit na nakaaalam ng sitwasyon, problema at hinaing ng mga mamamayan na kanilang nasasakupan.

“Iyon pong serbisyo ng lokal na pamahalaan ay hindi lamang dapat nakatuon sa mismong mga kliyente, kasi katuwang po namin ang LGU, ang Local Civil Registry Office at kayo, bilang mga barangay secretary sa pagpapatupad ng pagtatalang sibil. Kasama n’yo po kasi iyong mga tao sa barangay, kayo po iyong nakakakilala sa kanila, kung sila po ba ay may problema sa kanilang mga dokumento, paano n’yo po sila matutulungan? Ito po ay sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga tamang impormasyon na ibinabahagi ng LCRO,” pahayag ng hepe ng PSA-Marinduque.

Sinabi naman ni Mayor Livelo na dapat ay araw-araw na isabuhay ang pagdiriwang ng Civil Registration Month sapagkat dito nakasalalay ang legal na pagkakakilanlan ng isang mamamayan ng bansa.

“Bata, matanda, mahirap o mayaman, anuman ang katayuan sa buhay, lahat po ay daraan sa PSA. Mula ng tayo ay isilang, ikasal hanggang sa mamamatay, kailangan itong maidokumento sa ating talaang sibil. Kaya ang ating pong lokal na pamahalaan ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa kanilang ahensya para mapabilis ang transaksyon at pagkuha natin ng birth certificate, marriage contract, death certificate, at iba pang mga dokumento sa Philippine Statistics Authority,” wika ng alkalde.

Bago matapos ang kapihan ay binigyan ng pagkakataon ang mga kalahok na makapagtanong sa mga MCR para mabigyang-linaw kung paano mareresolba ang mga problemang idinudulog ng kanilang mga kabarangay habang nagkaroon din ng maikling quiz bee at on-the-spot slogan contest na sinalihan ng mga piling kalihim mula sa iba’t ibang barangay. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!