MOGPOG, Marinduque — Tumanggap na ngayong araw ng sweldo ang mga benepisyaryo ng programang TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa ating Displaced/Disadvantaged Workers sa bayan ng Mogpog.
Ayon kay Alma Timtiman, head ng Livelihood Manpower Development and Public Employment Service Office (LMD-PESO) tinatayang nasa 820 na mga benepisyaryo mula sa nasabing bayan ang nabigyan ng sweldo na nagkakahalaga ng ₱3,950 mula sa 10 araw na pagtatrabaho sa kani-kanilang mga barangay.
Dagdag pa ng hepe ng LMD-PESO, bagama’t ito na ang huling batch ng mga benepisyaryo ng TUPAD sa Mogpog, sila naman ang kauna-unahang nakatanggap ng bagong minimum wage rate sa rehiyon ng Mimaropa na ₱395 kada araw na naging epektibo noong Disyembre 7, 2023.
“Asahan po ninyo ang patuloy na paghahatid ng mga programa ng Department of Labor and Employment (DOLE), katuwang ang opisina ni Cong. Lord Allan Jay Velasco at ng ating minamahal at masipag na ama ng lalawigan, Gov. Presbitero Velasco, Jr. at Provincial Administrator Vincent Michael Velasco sa patuloy at nag-uumapaw na programa at tulong para sa ating mga kababayan,” wika ni Timtiman.
Taus-puso naman ang pasasalamat ng mga benepisyaryo sa walang sawang suporta ng DOLE Marinduque Field Office sa pangunguna ni Provincial Director Philip Alano upang magbigay ng mga programang patuloy na umaagapay sa mga residente ng lalawigan.
Ang TUPAD na isang community-based program ng DOLE ay nagbibigay ng kagyat na trabaho sa mga residente na nagmula sa impormal na sektor gaya ng underemployed o self-employed workers na nawalan o naapektuhan ang kabuhayan o kita dahilan sa kalamidad o iba pang uri ng sakuna kung saan sila ay inaasahang magtatrabaho sa loob ng hindi bababa sa sampung araw ngunit hindi lalagpas sa 30 araw depende sa uri ng trabaho na iaatas sa kanila. — Marinduquenews.com