BOAC, Marinduque – Suot ang iba’t-ibang kulay na kasuotan at maskara kagaya ng mga sundalong Romano, muling nagparada sa bayan ng Boac ang mga moryon bilang kanilang panata tuwing panahon ng Mahal na Araw.
Kasama ng mga moryon ang mga kawani ng pamahalaang nasyonal at lokal sa paglibot sa poblasyon simula sa Bagsakan Center at barangay San Miguel, habang nakasuot na parang mga sinaunang Romano.
Ayon sa panimulang pagbati ni Gob. Carmencita O. Reyes, lubusan siyang nagpapasalamat sa mga direktor ng nasyonal na ahensya maging sa mga kasapi nito sa patuloy na pakikiisa sa taunang pagdiriwang ng Mahal na Araw sa probinsya.
“Ako ay lubusang nagpapasalamat na ang lahat ng aking mga anak ay naririto upang makiisa at maipakita na tayo ay nagmamahalan at nagkakaisa lalo na sa panahon ng Semana Santa kung saan karapat-dapat lamang na lahat ng mga mamamayan sa buong daigdig ay tumingin at humanga sa lalawigan ng Marinduque”, sabi ni Reyes.
Sa kabila nito, nanawagan naman ang gobernadora at ang Department of Tourism (DOT)-Marinduque sa pamumuno ni officer in charge Ricardo Asuncion na huwag ikabit ang salitang “festival” sa pagdiriwang at sa halip ay tawagin lamang itong “Moriones”. Ang okasyong ito umano ay hindi nakatuon sa kasiyahan kundi sa pag-alaala ng pagpapakasakit at paghihirap ni Hesukristo bago ito ipako sa krus.
Bilang bahagi ng programa, opisyal ring binuksan ang Marinduque Expo 2017 kung saan ay makabibili ng mga produktong gawang Marinduque kagaya ng buri bags, kalamay-hati (coco jam), arrowroot cookies, souvenir shirts, maskara ng moryon at iba pang pampalamuti sa mga tahanan.
Magtatapos ang paggunita ng Semana Santa sa lalawigan hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay.